0

Muling Nagbalik

Mabagal na umaandar ang mga segundong nagpapatagal
sa oras na pilit pinagmamadali ng pusong sabik,
na muling pagbuksan ang pinto at ika’y papasukin
sa silid ng panaginip kung saan muling maibabahagi
ang naipong mga yakap at halik na kay tamis.
At sa dilim ang apoy ay muling magliliyab,
tutunawin ang distansya papunta sa iyong yakap,
magiging isa ang mga isip na matagal ng uhaw
para sa isa’t isa.
Pagdudugtungin ang mga salitang ang puso ang may akda,
at ang mga daliri’y lilikha ng musika sa bawat haplos
na syang tatatak sa isip na maaaring balik-balikan
ng mga pusong pinagtagpo ng pagkakataon.
At ang mga nangingilid na luha’y hindi na kailangang pumatak pa
‘pagkat ika’y naririto na at hawak hawak ang mga kamay
na matagal ng nangangapa sa dilim matagpuan ka lamang.
Ang mga ngiti’y madarama sa mga labing binabasbasan
ang mga pisngi mo ng mga matatamis na halik,
sapagkat ikaw ay muling nagbalik sa yakap ng umiibig.

-eamarifosque 110513-

Advertisements
0

Muling Sisikat ang Araw

Morning Sun

 

 

 

 

 

Muling sisikat ang araw at hahawiin ang dilim
na syang bumabalot sa mundong kanyang ginagalawan,
at sa paglisan ng mga ulap ay syang pagdating
ng pag-asang makakabangon muli.

Hindi na muling babalikan ang mga luhang pumatak
‘pagkat ang mga ito’y sinipsip na ng lupa ng nakaraan.
Magkakaroon muli ng saysay ang mga salitang binubulong ng isipan,
muling babalik ang ngiti sa mga matang namumugto sa kakaiyak.

At sa bawat minutong lumilipas ay gagawa ng panibagong pangarap
na syang magbibigay linaw sa lahat ng pasakit na nadarama.
Makikita muli ang daang nilisan para lamang sa kinabukasang hindi inaasahang
guguho at mawawala na parang bula.

Muling babalik ang tiwala sa sariling minsan ng inapakan ng mga pinagkatiwalaan
at ang bagong pagkataong mabubuhay
ay magiging mas malakas at mas matatag.

Hindi kakayaning tibagin ng mga mapaglarong nilalang
ang pader na muling itatayo para protektahan
ang pusong nangangailangan ng panahon para hilumin
ang mga sugat na dala ng paglipas ng panahon.

At sa lahat ng mga pagkakataong sinugatan ang pusong
tanging pagkakamali’y mahalin ang mga hindi nararapat,
ay may darating na magbibigay ng dahilan
para mabuhay muli ang mga papel at panulat,
‘pagkat ang inspirasyonay hindi na magpapapigil pa.

Dadaloy at dadaloy ang tinta habang dinudumihan
ang mga blankong pahina ng kinabukasang ngayon pa lang masusulat.
Bubuo ng panibagong mundo kasama ang ligayang
matagal ng inaasam asam at hindi na muling papatak ang mga luha.

-The Elusive Scribe 101813-

Translation of some sorts…:)

The sun will rise again and disperse the darkness
that envelopes the world she moves around in,
and as the clouds disappear so comes
hope that she’ll rise once more.

No need to remember the tears that fell
since they’ve been absobred by the land of the past.
Reason will come once more to the words whispered by the mind
and the smile will come back to the eyes that are puffed from crying.

And for every minute that has passed a new dream will be built
that will give clarity to all the hurts that were felt.
The road, once abandoned for a future that she didn’t expect
to break and disappear like a bubble, will be seen once more.

Her belief in her self will come back after being stepped on
by those she believed in and the new her that will emerge
will be stronger and more stable than before.

No one will be able to break the walls
that will be built once more for protection
for the heart that needs time to heal
the wounds brought by the passing time.

And for those times that her heart was wounded
whose only fault was to love those that were unworthy,
someone will come to give reason
for papers and pen to come alive once more
for her inspiration can no longer be stopped at all.

The ink will keep on flowing and flowing
dirtying empty pages of the future that will now be written.
Creating a new world with the happiness
that has been sought after for so long
and the tears will no longer have to fall.

0

Dugtungan

Maaari mo bang dugtungan ang mga panaginip
na binuo natin sa nabibilang na mga sandali,
buuin ang mga kwentong sinimulan ng mga labing
iisang tema lamang ang namumutawi?

Maaari mo bang dugtungan ang mga salitang isinulat
ng mga puso nating hinahanap ang isa’t isa,
pagtagpi tagpiin ang mga papel ng ating buhay
ikonekta sila para magkaroon ng linaw ang lahat?

Maaari mo bang dugtungan ang mga notang nagmumula
sa tumitibok na pusong ikaw lamang ang laman,
gumawa ng kantang tayo lamang ang makakaintindi
at aawitin kapag malayo sa isa’t isa?

Maaari mo bang dugtungan at pahabain ang panahon
habang namamalagi ka sa aking piling,
di na mawala pa sa aking paningin
‘pagkat ikaw lang ang parati kong hahanap hanapin?

-eamarifosque 102913-

2

matagal ng nalusaw ang mga pangarap na binuo mula sa alapaap,
at ang pagbuhos ng ulan ang tanging senyales ng sakit na dumudurog
sa pagkataong inalay sa iniibig ng walang pagaalinlangan.
pagkataong hinubog ng panahong balot ng ligaya’t pighati,
na mas piniling isantabi ng taong tanging laman nitong puso.
ngunit sa kabila ng sakit na syang pumupunit
sa kaluluwang iisang pangalan lamang ang iniisip,
ay humahawak pa rin sa ideya na mayroon pa ring pag-asang makakamit.
na ang pag-ibig na pinakaiingatan ay muling magbabalik
at hihilumin ang mga sugat na pinanggagalingan ng mga pumapatak na dugo
na unti unting kumikitil sa kanyang natitirang buhay.

-The Elusive Scribe 102213-

when translated into English:

the dreams built from the skies have long dissolved
and the pouring rain is the only sign of the hurt that breaks
the whole person offered to someone loved without any hesitation.
personalities that were molded by time wrapped in happiness and sadness
but chosen to be set aside by the person that only this heart knows.
but in spite of the pain that rips the soul that thinks of only one name,
it still holds on to the idea that there is still hope yet.
that the love that’s been well cared for will come back
and heal the wounds where the drops of blood come from
that slowly kills what’s left of its life.

-The Elusive Scribe-

0

Nakatagong Damdamin

Ilang beses pa bang isusulat sa mga blankong papel
ang mga damdaming di masabi ng mga labi?
Na ikaw ang laman ng mga panaginip
na binibisita tuwing sumasapit ang dilim,
na habang yakap ang unan sa gabi,
ikaw ang laging sumasagi sa isip?

Paano masasabi ang mga nakatagong damdamin
kung di ka man lamang magpakita sa akin,
mga halik na sana’y ilalapat sa iyong mga labi,
hanggang ngayon ay nanatiling akin.
Paano maibabahagi ang init ng mga yakap,
kung ika’y parating malayo sa akin?

Kahit ilang araw pa ang lumipas patuloy pa rin sa pananabik
na muling mahagkan at mayakap kang muli,
at balang araw di na kailangang managinip
pagkat ika’y nandito na sa aking piling.

-The Elusive Scribe 100213-

2

lahat ng mga pangarap na binuo mula sa mga panaginip
sa likod ng mga matang nakapikit,
ay unti unting nagkakaroon ng linaw
sa liwanag ng iyong mga ngiti.
at sa bawat pagbigkas ng mga katagang inaasahan
mula sa mga labing tila di nauubusan ng salita,
ay syang unti unting pag tibok ng humintong puso,
‘pagkat ang mga salitang dumadaloy ay sya’ng tulay
ng kaluluwang naghihikahos sa yakap ng dilim pabalik
sa iyong piling.
kung saan ang mga pangarap ay hindi na mananatiling
panaginip lamang,
dahil ang mga kamay natin ang syang magpapatotoo
sa lahat ng mga binubulong ng ating mga puso.

-The Elusive Scribe 091413-

0

maaari ba nating kalimutan ang nakaraan,
burahin sa alaala mga lumipas na sandali,
hanapin ang bagong bukas sa bawat ngiti,
na namumutawi sa mga labi ng iniibig?

maaari ba tayong magsimula ng panibago,
dala ang mga pangarap at pangako,
bumuo ng mundo para sa mga sabik na puso,
at hayaan silang mag mahal ng malaya?

maaari ba nating ibulong sa hangin
ang mga panalangin na ating nais,
upang sa langit ay maihatid,
at sana may makarinig?

-The Elusive Scribe 090113-